Oo. Kailangan ng negosyo mo ng website dahil ito ang isa sa mga pinakamahuhusay na paraan sa panahon ngayon para makakuha ka ng mga bagong kustomer para sa iyong negosyo. :-)
Ngunit, ano nga ba ang website?
Ang website ay ang sariling lugar mo sa internet kung saan maaari kang bisitahin o puntahan ng mga taong kilala at hindi mo kilala. Ang website ay maaaring pang-personal o pang-business. Maihahantulad ito sa isang brochure tungkol sa business mo ngunit imbes na nasa papel, ito ay nasa internet.
Ano-ano ba ang mga pangunahing bagay na dapat laman ng isang business website?
1. Ang pangalan ng iyong business. Halimbawa: Forevermore Boutique o Isa Spa
2. Isusulat mo rin kung anong klaseng negosyo ang meron ka. Kailangang mayroon kang nakahandang maiksing paglalarawan ng iyong negosyo na madaling maintindihan, mabilis basahin at interesante ring malaman.
Halimbawa: Ang Forevermore Boutique ay isang dress shop na kung saan ang telang ginamit sa mga damit ay gawa sa mga pinya mula sa Benguet.
Ang Isa Spa ay isang lugar kung saan maaari kang mag-relax. Mayroong steam baths at massage gamit ang Pinoy na Pinoy na mga kagawian at kagamitan.
3. Mga larawan ng iyong mga produkto o serbisyo.
Maaari kang maglagay ng larawan ng samples ng mga produkto mo o paraan ng iyong pagseserbisyo. Dahil sa mahilig ang mga tao na manood sa internet, maaari ka ring gumawa o magpagawa ng maiksing video documentary o advertisement tungkol sa negosyo mo at ilagay rin ito sa iyong website. Siguraduhin lamang na pulido, angkop, at magaganda ang pagkakakagawa ng mga larawan at video na iyong gagamitin sapagkat maaaring iwan ng bisita mo ang website mo kung hindi sya nagandahan o naaliw sa mga nakita nya sa website mo.
4. Kung saan ka nila mapupuntahan o macocontact.
Kung mayroon kang physical store, office, o shop, natural lamang na gusto mong puntahan ka doon ng mga kliyente mo. Ilagay sa website ang address ng iyong shop.
Maaari ka ring maglagay ng map or gamitin ang isang image ng iyong lugar mula sa Google Maps.
Kailangan din ng contact number (landline man o cellphone) mo para matawagan ka ng mga kliyente o kaya ay iyong e-mail address upang madali ka nilang ma-contact kung may mga gusto pa silang itanong na hindi nila nakita sa website mo.
Ngayong alam mo na ang mga pinakamahahalagang bahagi ng isang business website, maaari mo nang umpisahang maglikom ng mga detalye at mga larawan. Itabi mo lamang ang mga ito dahil sa susunod, pag-uusapan natin ang pinakamadaling paraan para buuin ang iyong website at kung paano mo ito ilalagay sa internet.
Hanggang sa muli! :-)
No comments:
Post a Comment