Narito
ang una kong artikulo tungkol sa social entrepreneurship. Kalimitan
na nating naririnig ang salitang social entrepreneurship ngunit
nakalilito pa rin ang kahulugan nito. Ako mismo na gusto maging isang
social entrepreneur ay nalilito pa. Minsan tinatanong ko ang aking
sarili kung matatawag na ba akong isang social entrepreneur dahil sa
layunin kong maging inspirasyonal para sa mga kabataan ang mga
ginagawa kong produkto sa aking online business. Kaya minabuti kong
aralin muna ang konsepto ng social entrepreneurship at heto na nga at
inihahain ko rin sa inyo ang aking natutuhan. Filipino ang ginamit
kong wika para sa artikulong ito para mas maunawaan nating lahat.
Social
Entrepreneurship: Depinisyon
Ang
social entrepreneurship ay isang paraan ng pagtatayo at pamamalakad
ng isang organisasyon sa pamamagitan ng mga pamamaraang pang-negosyo
subalit may pangunahing layunin na makapagdulot ng mabuting pagbabago
o mabigyang solusyong ang mga suliranin sa isang komunikad, kalimitan
sa aspektong panlipunan, pang-kultura, at pang-kalikasan. Ang
konseptong ito ay maaaring gamitin ng mga pilantropo, mga taong may
adbokasiya, mga kooperatiba, mga kawanggawa at ano pa mang mga
aktibidad na nagpapalawig ng isang gawaing makabubuti para sa isang
komunidad.Subalit
kalimitang nagkakaroon ng pagkakalito sa depinisyon ng isang social
enterprise, lalo na sa usaping kung dapat bang ang isang social
enterprise ay for profit o non-profit. Gayunman, karamihan sa mga
aktibo sa ganitong gawain ay sumasangayon sa paglalarawang ito: Kung
ang pangunahing tanong ng isang regular na entrepreneur (negosyante)
upang malaman kung matagumpay ang kanyang negosyo ay kung magkano
at malaki ba ang kaniyang kinita, ang sa social entrepreneur
(nagtatag o nagpapatakbo ng negosyong makalipunan) naman ay gaano
karami ang kaniyang natulungan. (Social Enterprise Canada)
|
Cherrie Atilano is the president of social enterprise Agricool, "a movement which dreams to build the lifestyle of healthy food consumption while creating agricultural opportunities in the Philippines." - See more at: http://gk1world.com/from-eco-warrior-to-eco-entrepreneur#sthash.0wmDRiVp.dpuf |
Social
Enterprise: Depinisyon
Ang
social entrepreneurship ay maaaring gamitin sa isang non-profit
organization sapagkat ito ay ang paggamit ng mga prinsipyo at
estratehiyang pang-negosyo upang maresolba ang ilang mga suliraning
panlipunan. Ngunit ang social enterprise ay ang mismong
organisasyon na itinatag gamit ang mga estratehiya sa social
entrepreneurship upang matugunan ang mga isyung panlipunan o maging
global kung saan mahalaga ang magkaroon ng kakayahang kumita sa
sariling pamamaraan upang makamit ang mga layunin. Ang social
enterprise, sa pamamagitan ng kanyang mga business o trade activities
ay dapat na magbigay ng mabuting social impact sa kanyang komunidad.
Pagkakaiba
ng Non-profit Organization sa Social Enterprise
Ang
isang non-profit organization ay may layuning bigyang serbisyo ang
isang komunidad na may pangangailangan o bigyang suporta ang isang
grupo o adbokasiyang may mainam na maidudulot sa lipunan. Kalimitang
nanggagaling ang pondo ng isang non-profit organization mula sa mga
donasyong bigay ng mga pribadong organisasyon, indibiduwal, at
gobyerno. Taliwas sa social enterprises, hindi rin layunin ng isang
non-profit organization na gumawa ng mga aktibidad para kumita at
magkaroon ng pondo, subalit minsan ay nagsasagawa rin sila ng mga
fundraising at iba pang pamamaraan na makalikom ng pondo para sa
kanilang organisasyon. Laging ang pangunahing layunin ng isang
non-profit organization ay palawigin ang adbokasiya nito. Maaaring
tumanggap ng suweldo ngunit kalimitang boluntaryo ang mga miyembro ng
non-profit organizations.Samantala,
dahil sa layunin ng isang social enterprise na makatulong sa isang
lipunan, kalimitan itong naihahantulad sa isang non-profit
organization. Subalit ang social enterprise ay may mas mataas na
pangangailangan na magkaroon ng kapasidad na kumita. Dapat itong
maging self-sufficient upang maisakatuparan ang mga layunin nito.
Maaari rin naman itong itatag ng non-profit organization subalit
hiwalay ang pamamalakad dito sapagkat malaking bahagi ng pagpapatakbo
nito ay may kinalaman sa mga gawaing may kinalaman sa pinansiyal na
aspekto ng negosyo. Hindi maaaring haluan ito ng mga kampanya o
kawanggawa maliban kung malinaw na direkta itong makakapagdulot ng
direktang kita para sa social enterprise. Maaari ring itatag o
umpisahan ng isang pribadong tao ang isang social enterprise. Isa
siyang sole proprietor ngunit malinaw ang adbokasiya o social
relevance ng kanyang negosyo. Maaari ring himukin ng pribadong taong
ito ang kanyang mga kapuwa at kasamahan sa komunidad na sila ay
magtulong-tulong para sa isang negosyong makalipunan, kahantulad ng
isang kooperatiba na isang kilalang klase ng social enterprise.Sa
isang banda, masasabing ang social enterprise ay mix ng for profit at
non-profit dahil itinatag ito para kumita (for profit) ngunit ang
kinita nito ay ilalaan hindi para sa ikayayaman ng organizers kundi
para magbigay ng kabuhayan sa mga tao sa isang komunidad, serbisyo sa
mga nais paglingkuran, o mabuting pagbabago sa sambayanan o maging sa
buong sanlibutan.
Social
Enterprise: Self-sufficient
Maaari
ring tumanggap ang social enterprise ng donasyon gaya ng mga
non-profit na organisasyon, subalit mahalagang dapat makatayo sa
sariling mga paa o maging “self-sustaining” ang social enterprise
pagdating sa aspektong pinansyal sapagkat ang operasyon nito ay
nangangailangan ng tuloy-tuloy na pondo upang walang patid na
mapaglingkuran ang napiling komunidad or adbokasiya. Karaniwan sa mga
social enterprise ang kumuha ng mga tauhan o manggagawa mula mismo sa
komunidad na pinagsisilbihan nito. Isa sa mga pangunahing layunin ng
social enterprise ang mabigyan ng magandang pasuweldo ang kanilang
mga tauhan kaya hindi maaaring umasa ang social enterprises sa
donasyon lamang.Prayoridad
ng rin social enterprise na ibalik sa organisasyon ang mga kinita
nito. Ang mga social enterpreneur ay kumikita lamang nang naaayon sa
kanyang papel sa pamamalakad ng organisasyon tulad ng mga manggagawa
rito. Kung minsan pa nga ay libre lamang ang serbisyo ng isang social
entrepreneur sapagkat ang tanging motibo nya lamang ay makatulong sa
kapuwa at sa adhikain (at maaaring ang social entrepreneur na ito ay
may iba namang hanapbuhay o pinagkakakitaan). Tumatanggap rin ang
social enterprise ng mga boluntaryo at partisipasyon mula sa mga
non-profit organization at gobyerno upang masigurong mapaglilingkuran
nila ng maayos ang napiling komunidad. Ngunit malinaw na hindi
maaaring dumepende ang isang social enterprise sa donasyon. Dapat
itong maging kumikitang negosyo.
Sagot
sa Aking Pansariling Tanong
Sa
aking palagay ay hindi pa ako isang ganap na social entrepreneur
bagama't maganda naman sa palagay ko ang aking layunin sa pagtatayo
ng online business na aking napili. Narating ko ang kongklusyong ito
sapagkat wala pa naman akong kongkretong komunidad na napag-aalayan
ng serbisyo o benepisyo sa pamamagitan ng aking negosyo. Ngunit hindi
ibig sabihin nito na ang aking negosyo ay hindi mabuti. Iba lamang
ang mundong ginagalawan ng aking negosyo sa ngayon kung ikukumpara sa
mga social enterprise. Ngunit maaari kong sabihin na ang aking
negosyo ay inspirasyonal at mayroong corporate social responsibility
(CSR). (Sa susunod ay tatalakayin ko naman kung ano ang CSR na ito.)
Sa iba pang kagaya ko na nais ring maging negosyante, sa palagay ko
ay hindi naman lahat ay dapat naising makapagtayo ng isang social
enterprise. Malaking tulong na sa lipunan ang isang negosyo na
nakakapagbigay ng trabaho sa iba at nakikilahok sa kalakalan nang may
prinsipyo, marangal, at patas na pamamaraan.
Mga
Sanggunian:
Bromberger,
A. R. 2007. Social
Enterprise: A Lawyer’s Perspective. Retrieved
from http://www.alissamickels.com/BrombergerSE.pdfConcept
Paper for the ILS Research Industry Tours in Bulacan, Pangasinan and
Baguio “Promoting Gender Equality Through Sustainable Social
Entrepreneurship” Retrieved
from http://ilsdole.gov.ph/wp-content/uploads/2012/09/2012socialenterprise.pdfWalters,
K. (2007). The rise of the social entrepreneur. Retrieved from
http://startups.co.uk/the-rise-of-the-social-entrepreneur/What
is social entrepreneurship. The New Heroes. Retrieved Jan. 20,
2014 from http://www.pbs.org/opb/thenewheroes/whatis/Copyrhttp://www.socialenterprisecanada.ca/learn/nav/whatisasocialenterprise.htmlhttp://www.centreforsocialenterprise.com/what.html