Wednesday, 29 January 2014

Social Enterprise: Negosyong Makalipunan

Narito ang una kong artikulo tungkol sa social entrepreneurship. Kalimitan na nating naririnig ang salitang social entrepreneurship ngunit nakalilito pa rin ang kahulugan nito. Ako mismo na gusto maging isang social entrepreneur ay nalilito pa. Minsan tinatanong ko ang aking sarili kung matatawag na ba akong isang social entrepreneur dahil sa layunin kong maging inspirasyonal para sa mga kabataan ang mga ginagawa kong produkto sa aking online business. Kaya minabuti kong aralin muna ang konsepto ng social entrepreneurship at heto na nga at inihahain ko rin sa inyo ang aking natutuhan. Filipino ang ginamit kong wika para sa artikulong ito para mas maunawaan nating lahat.

Social Entrepreneurship: Depinisyon

Ang social entrepreneurship ay isang paraan ng pagtatayo at pamamalakad ng isang organisasyon sa pamamagitan ng mga pamamaraang pang-negosyo subalit may pangunahing layunin na makapagdulot ng mabuting pagbabago o mabigyang solusyong ang mga suliranin sa isang komunikad, kalimitan sa aspektong panlipunan, pang-kultura, at pang-kalikasan. Ang konseptong ito ay maaaring gamitin ng mga pilantropo, mga taong may adbokasiya, mga kooperatiba, mga kawanggawa at ano pa mang mga aktibidad na nagpapalawig ng isang gawaing makabubuti para sa isang komunidad.Subalit kalimitang nagkakaroon ng pagkakalito sa depinisyon ng isang social enterprise, lalo na sa usaping kung dapat bang ang isang social enterprise ay for profit o non-profit. Gayunman, karamihan sa mga aktibo sa ganitong gawain ay sumasangayon sa paglalarawang ito: Kung ang pangunahing tanong ng isang regular na entrepreneur (negosyante) upang malaman kung matagumpay ang kanyang negosyo ay kung magkano at malaki ba ang kaniyang kinita, ang sa social entrepreneur (nagtatag o nagpapatakbo ng negosyong makalipunan) naman ay gaano karami ang kaniyang natulungan. (Social Enterprise Canada)

 Cherrie Atilano is the president of social enterprise Agricool, "a movement which dreams to build the lifestyle of  healthy food consumption while creating agricultural opportunities in the Philippines." - See more at: http://gk1world.com/from-eco-warrior-to-eco-entrepreneur#sthash.0wmDRiVp.dpuf 

Social Enterprise: Depinisyon


Ang social entrepreneurship ay maaaring gamitin sa isang non-profit organization sapagkat ito ay ang paggamit ng mga prinsipyo at estratehiyang pang-negosyo upang maresolba ang ilang mga suliraning panlipunan. Ngunit ang social enterprise ay ang mismong organisasyon na itinatag gamit ang mga estratehiya sa social entrepreneurship upang matugunan ang mga isyung panlipunan o maging global kung saan mahalaga ang magkaroon ng kakayahang kumita sa sariling pamamaraan upang makamit ang mga layunin. Ang social enterprise, sa pamamagitan ng kanyang mga business o trade activities ay dapat na magbigay ng mabuting social impact sa kanyang komunidad.


Pagkakaiba ng Non-profit Organization sa Social Enterprise

Ang isang non-profit organization ay may layuning bigyang serbisyo ang isang komunidad na may pangangailangan o bigyang suporta ang isang grupo o adbokasiyang may mainam na maidudulot sa lipunan. Kalimitang nanggagaling ang pondo ng isang non-profit organization mula sa mga donasyong bigay ng mga pribadong organisasyon, indibiduwal, at gobyerno. Taliwas sa social enterprises, hindi rin layunin ng isang non-profit organization na gumawa ng mga aktibidad para kumita at magkaroon ng pondo, subalit minsan ay nagsasagawa rin sila ng mga fundraising at iba pang pamamaraan na makalikom ng pondo para sa kanilang organisasyon. Laging ang pangunahing layunin ng isang non-profit organization ay palawigin ang adbokasiya nito. Maaaring tumanggap ng suweldo ngunit kalimitang boluntaryo ang mga miyembro ng non-profit organizations.Samantala, dahil sa layunin ng isang social enterprise na makatulong sa isang lipunan, kalimitan itong naihahantulad sa isang non-profit organization. Subalit ang social enterprise ay may mas mataas na pangangailangan na magkaroon ng kapasidad na kumita. Dapat itong maging self-sufficient upang maisakatuparan ang mga layunin nito. Maaari rin naman itong itatag ng non-profit organization subalit hiwalay ang pamamalakad dito sapagkat malaking bahagi ng pagpapatakbo nito ay may kinalaman sa mga gawaing may kinalaman sa pinansiyal na aspekto ng negosyo. Hindi maaaring haluan ito ng mga kampanya o kawanggawa maliban kung malinaw na direkta itong makakapagdulot ng direktang kita para sa social enterprise. Maaari ring itatag o umpisahan ng isang pribadong tao ang isang social enterprise. Isa siyang sole proprietor ngunit malinaw ang adbokasiya o social relevance ng kanyang negosyo. Maaari ring himukin ng pribadong taong ito ang kanyang mga kapuwa at kasamahan sa komunidad na sila ay magtulong-tulong para sa isang negosyong makalipunan, kahantulad ng isang kooperatiba na isang kilalang klase ng social enterprise.Sa isang banda, masasabing ang social enterprise ay mix ng for profit at non-profit dahil itinatag ito para kumita (for profit) ngunit ang kinita nito ay ilalaan hindi para sa ikayayaman ng organizers kundi para magbigay ng kabuhayan sa mga tao sa isang komunidad, serbisyo sa mga nais paglingkuran, o mabuting pagbabago sa sambayanan o maging sa buong sanlibutan.


Social Enterprise: Self-sufficient

Maaari ring tumanggap ang social enterprise ng donasyon gaya ng mga non-profit na organisasyon, subalit mahalagang dapat makatayo sa sariling mga paa o maging “self-sustaining” ang social enterprise pagdating sa aspektong pinansyal sapagkat ang operasyon nito ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na pondo upang walang patid na mapaglingkuran ang napiling komunidad or adbokasiya. Karaniwan sa mga social enterprise ang kumuha ng mga tauhan o manggagawa mula mismo sa komunidad na pinagsisilbihan nito. Isa sa mga pangunahing layunin ng social enterprise ang mabigyan ng magandang pasuweldo ang kanilang mga tauhan kaya hindi maaaring umasa ang social enterprises sa donasyon lamang.Prayoridad ng rin social enterprise na ibalik sa organisasyon ang mga kinita nito. Ang mga social enterpreneur ay kumikita lamang nang naaayon sa kanyang papel sa pamamalakad ng organisasyon tulad ng mga manggagawa rito. Kung minsan pa nga ay libre lamang ang serbisyo ng isang social entrepreneur sapagkat ang tanging motibo nya lamang ay makatulong sa kapuwa at sa adhikain (at maaaring ang social entrepreneur na ito ay may iba namang hanapbuhay o pinagkakakitaan). Tumatanggap rin ang social enterprise ng mga boluntaryo at partisipasyon mula sa mga non-profit organization at gobyerno upang masigurong mapaglilingkuran nila ng maayos ang napiling komunidad. Ngunit malinaw na hindi maaaring dumepende ang isang social enterprise sa donasyon. Dapat itong maging kumikitang negosyo.


Sagot sa Aking Pansariling Tanong

Sa aking palagay ay hindi pa ako isang ganap na social entrepreneur bagama't maganda naman sa palagay ko ang aking layunin sa pagtatayo ng online business na aking napili. Narating ko ang kongklusyong ito sapagkat wala pa naman akong kongkretong komunidad na napag-aalayan ng serbisyo o benepisyo sa pamamagitan ng aking negosyo. Ngunit hindi ibig sabihin nito na ang aking negosyo ay hindi mabuti. Iba lamang ang mundong ginagalawan ng aking negosyo sa ngayon kung ikukumpara sa mga social enterprise. Ngunit maaari kong sabihin na ang aking negosyo ay inspirasyonal at mayroong corporate social responsibility (CSR). (Sa susunod ay tatalakayin ko naman kung ano ang CSR na ito.) Sa iba pang kagaya ko na nais ring maging negosyante, sa palagay ko ay hindi naman lahat ay dapat naising makapagtayo ng isang social enterprise. Malaking tulong na sa lipunan ang isang negosyo na nakakapagbigay ng trabaho sa iba at nakikilahok sa kalakalan nang may prinsipyo, marangal, at patas na pamamaraan.

Mga Sanggunian:

Bromberger, A. R. 2007. Social Enterprise: A Lawyer’s Perspective. Retrieved from http://www.alissamickels.com/BrombergerSE.pdfConcept Paper for the ILS Research Industry Tours in Bulacan, Pangasinan and Baguio “Promoting Gender Equality Through Sustainable Social Entrepreneurship” Retrieved from http://ilsdole.gov.ph/wp-content/uploads/2012/09/2012socialenterprise.pdfWalters, K. (2007). The rise of the social entrepreneur. Retrieved from http://startups.co.uk/the-rise-of-the-social-entrepreneur/What is social entrepreneurship. The New Heroes. Retrieved Jan. 20, 2014  from http://www.pbs.org/opb/thenewheroes/whatis/Copyrhttp://www.socialenterprisecanada.ca/learn/nav/whatisasocialenterprise.htmlhttp://www.centreforsocialenterprise.com/what.html



1 comment: